Sa bisa ng arrest warrant, inaresto ng Taytay Police ang 38-anyos na lalake dahil sa kasong pagpatay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, binaril daw ng akusado ang kaniyang kapitbahay noong 2013 dahil umano sa galit.
“He fatally shot his neighbor with the use of a firearm at napatay niya yung kaniyang kapitbahay dahil lang sa personal grudge,” ayon kay PCol Felipe b. Maraggun, Provincial Director, Rizal Provincial Police Office
Sabi naman ng akusado, napagbintangan lang siya.
Hindi rin daw niya kilala ang nasawing biktima.
“Nandun lang po ako nun sa may sa amin, tapos nabalitaan na lang po namin kinabukasan na ganun po yung nangyari. Hindi po talaga ako yun. Tinuturo lang po ako, o may galit lang po sa akin talaga yung nagsabi na ako daw po yung gumawa nun,” saad ng akusado.
Sa records ng pulisya, ilang beses nang naaresto ang akusado dahil sa iba't ibang krimen.
Noong Pebrero naaresto siya dahil sa kasong alarm and scandal at disobedience to an agent of a person in authority.
“Lasing po ako nun nung alarm scandal. 'Yung nagsisigaw po kasi po marami pong ano din eh maraming mga walang hiyang tao po dun sa amin, kumbaga po, nainis na po ko 'nun, kaya nakapagwala po ko nung lasing ako,” sabi niya.
Noong 2021 naman sa Batangas, nahuli din siya sa kasong qualified theft dahil umano sa pagnanakaw ng relo.
“'Di ko naman po talaga kinuha 'yun. "Yung totoo po nun, nilagay lang po nila yung sa bag ko. Parang frameup po ako ng mga kasamahan ng boss ko,” depensa niya.
Sa custodial facility ng Taytay Municipal Police Station Naka-detain ang akusado. —VAL, GMA Integrated News
