Isang 9-anyos na lalaki ang bahagyang nasugatan matapos masagi ng isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 umaga nitong Huwebes.

Sa ulat ni Christian Maño sa Super Radyo DZBB, sinabing tumatawid noon ang bata nang mabundol siya ng sasakyan pasado 9 a.m.

Sinabi ng airport police na pumasok ang TNVS sa mga linya na nakalaan para lamang sa mga pribadong sasakyan.

Ayon naman sa driver, iniwasan niya lamang ang ginagawang konstruksyon sa arrival area at papunta na sana siya sa ride-hailing area.

 

 

Sinabi naman ng ina ng biktima na galing sila ng Palawan at papunta na ng Laguna.

Tumanggi ang ina na dalhin sa ospital ang anak sa kabila ng rekomendasyon ng pamunuan ng paliparan.

Naka-hold sa Land Transportation Office at NAIA Police ang driver ng sasakyan, na posibleng maharap sa mga reklamo dahil sa paglabag sa mga batas trapiko.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News