Isang lalaki ang sugatan matapos siyang barilin dahil umano sa masamang tingin sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood na tila normal lang ang gabi sa palengke sa Barangay San Isidro.
Ngunit ilang saglit lang, isang lalaki ang bumubunot na ng baril mula sa kaniyang bag.
Hindi na nakunan sa CCTV ang mga sumunod na insidente, pero binaril na pala niya ang 21-anyos na lalaki na nakatinginan umano niya nang masama.
Batay sa pulisya, nagkainitan na ang suspek at biktima bago ang pamamaril.
“Nagkatinginan sila nang hindi maganda at 'yung suspek ay pinagbantaan itong biktima na babarilin daw ‘di umano. So, siya naman umuwi, kumuha siya ng baril niya, 'yung suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police.
Muling nagkita sa palengke ang dalawa, at dito na sinugod ng suspek ang biktima at binaril ito.
Tinamaan ng bala sa tagiliran ang biktima, na nadapa pa habang tumatakbo palayo sa suspek.
Batay sa pulisya, dumaplis din ang bala sa braso ng isang 18-anyos na tindera.
Wala pang isang minuto makalipas ang pamamaril, rumesponde na ang mga nagpapatrolyang pulis.
Nadakip ang 18-anyos na suspek na nakapagtanggal na umano ng jacket. Narekober din sa kaniya ang baril na ginamit sa krimen.
“Nakatitig po siya sa akin nang masama tapos pinagkamalan niya ako na kasama sa gang. Binantaan niya rin po ako kasi ako na babarilin niya ako kaya ayun po, binalikan ko po siya. Tapos doon na nagsimula,” depensa ng suspek.
Posibleng maharap sa reklamong frustrated murder, frustrated homicide at illegal possession of firearms ang suspek, na nakabilanggo na sa custodial facility ng Rodriguez, Rizal. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
