Isang buntis na manganganak na sa tabing-kalsada ang sinaklolohan ng apat na pulis sa gilid ng EDSA-Balintawak sa Quezon City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing reresponde sana ang mga pulis sa isang nadulas na babae Miyerkoles ng madaling araw.
Ngunit pagdating sa tabing-kalsada, naabutan nilang buntis ang babae at manganganak na.
“Nakita ko 'yung babae, duguan at manganganak na siya. So, ang ginawa nu’ng kasama ko, sinalo niya 'yung bata. Halos wala pang 20 seconds, lumabas na 'yung bata,” sabi ni Police Master Sergeant Engelo Mariano ng La Loma Police.
Nagtulungan ang apat na rumespondeng pulis sa pag-alalay sa babae, pagtawag ng ambulansya at pagmando ng traffic.
Batay sa pulisya, kasama noon ng babae ang isa pa niyang anak.
“Binalot ng white cloth at pinayungan din kasi medyo umuulan para hindi mabasa 'yung nanay at 'yung baby. Malusog po 'yung bata at umiyak pa nga po 'yung pagkalabas niya,” sabi ni Mariano.
Makaraan ang ilang minuto, dumating ang ambulansya ng barangay na ligtas na dinala ang mag-ina sa ospital.
Pararangalan naman sa Camp Karingal sa Lunes ang apat na pulis na tumulong magpaanak sa babae. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
