Patay ang isang 50-anyos na babaeng negosyante matapos siyang barilin sa ulo sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente noong Lunes, kung saan dead on the spot ang biktima.

Sinabi ng mga taga-barangay na isang concerned citizen na nakarinig ng mga putok ng baril ang tumawag sa kanila.

“Dali-dali po kami kasama po ang mga BPSO at sinabay ko na rin po tawagan 'yung ating ambulance. Pagdating po namin sa area, nakita nga na po namin na nakabulagta na po 'yung isang babae na duguan at may tama po sa ulo and then pina-check po sa ating mga medic, wala na po talagang pulso,” sabi ni Kagawad Elmer Buena ng Barangay Commonwealth.

Lumabas sa imbestigasyon na naglalakad noon ang biktima nang sundan siya umano ng isang salarin bago binaril sa malapitan. Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang.

“Nakausap rin namin po 'yung mga kamag-anak. Ito po ay isang negosyante na nagtitinda po sa palengke. May pwesto po ng grocery, babuyan at meron din po siya mga pautang,” sabi ni Buena. 

Isang follow-up operation ang ikinasa ng pulisya sa pagkakatukoy ng salarin habang mas paiigtingin naman ng mga taga-barangay ang pagbabantay sa lugar. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News