“A love affair does not justify rape.” Inihayag ito sa isang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa kaso ng isang lalaki na hinatulang nagkasala ng panggagahasa sa babae na kaniya umanong karelasyon.
Sa isang 20-pahinang desisyon, guilty ang naging hatol ng SC second division sa akusado, at pinatawan ng parusa na reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.
Nauna nang napatunayan sa mababang korte na nagkasala ng sexual abuse ang akusado.
Hindi tinanggap ng korte ang argumento ng akusado na boluntaryo at may pahintulot ang kanilang pagtatalik bilang magkasintahan ng babaeng 14-anys. Tinawag ng SC ang naturang depensa ng lalaki na “sweetheart theory.”
“Notwithstanding the proven fact of their relationship, this Court adds posthaste that this would not necessarily establish consent,” saad sa desisyon.
“As ruled in Olesco, it is insufficient to merely prove that the accused and the victim were lovers; it must likewise be shown via compelling evidence that the victim consented to sexual relations,” dagdag nito.
Ayon sa desisyon, pinilit ng lalaki ang biktima na makipagtalik kahit tumanggi ang babae dahil mayroon siyang buwanang dalaw. Nagbanta umano ang lalaki na ipapakita sa pamilya ng babae ang isang video ng kanilang paghahalikan, kaya napilitang pumayag ang biktima dahil sa takot.
Ilang araw matapos ang insidente, napansin ng lola ng biktima ang dugo sa kaniyang panloob at tinanong kung ano ang nangyari. Dito na ibinunyag ng biktima na pinilit siya ng lalaki na makipagtalik.
Kasunod nito ay nagsumbong sila sa mga awtoridad.
Kapuwa hinatulan din na guilty ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang akusado.
Ayon sa korte, wala itong nakitang pagdududa sa kredibilidad ng biktima dahil sa tapat at malinaw nitong salaysay na pinagsamantalahan siya.
“A love affair does not justify rape, for the beloved cannot be sexually violated against her will,” saad ng SC sa desisyon.
Inatasan din ng SC ang lalaki na bayaran ang biktima ng P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages, at P75,000 bilang exemplary damages, na may legal na interes na 6% bawat taon mula sa petsa ng pagiging pinal ng desisyon hanggang sa ganap itong mabayaran.
Isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez ang desisyon noong Pebrero 2025 at inilathala ngayong Hunyo 2025. — mula sa ulat ni Joahnna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
