Nasawi ang isang 36-anyos na siklista nang masagasaan ng sports utility vehicle (SUV) nang matumba siya matapos tamaan ng pinto ng isang delivery van na nakatigil sa bicycle lane sa Pasig City.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa video footage na nakatigil ang delivery van sa bike lane nitong Martes ng hapon sa Barangay Kapitolyo habang nagbababa ng mga deliver na tubig na nasa galon.

Hanggang sa dumating ang siklistang biktima at biglang bumukas ang pinto ng nakaparadang van nang matapat siya sa sasakyan. Natumba ang siklista at nataon na may dumaan na SUV kaya siya nasagasaan.

Kaagad na nasawi ang biktima na pauwi na sa Cainta, Rizal mula sa trabaho.

Inaresto ng mga pulis ang driver ng SUV at ang driver ng delivery van, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Ayon sa pamilya ng biktima, dadalhin sa Iloilo City ang mga labi ng siklista matapos ang dalawang araw na burol sa Cainta.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista na iwasan magparada sa bike lane na inilagay para sa kaligtasan ng mga siklista.—FRJ, GMA Integrated News