Timbog ang isang 35-anyos na dating kahera dahil sa kaniyang paulit-ulit na pagnanakaw umano sa supermarket na kaniyang pinagtrabahuhan sa Caloocan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip sa Malabon noong Miyerkoles ang babae, na may warrant of arrest dahil sa mga serye ng pagnanakaw umano niya sa supermarket noong 2020.

Inireklamo ang babae ng dati niyang employer, ayon sa pulisya.

“‘Yung mga kasamahan niya, kapag magpa-punch, bibili ng produkto galing sa supermarket, siya bilang kahera, hindi niya pina-punch lahat ng produkto. At pagkatapos nilang masagawa 'yung mali nilang ginagawa, sa kanila paghahati-hatian 'yung proceeds ng mga ninakaw nila,” sabi ni Police Lieutenant Alexander Manalo, hepe ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section.

“Limang beses niyang ginawa sa ibang pagkakataon at sa magkakaibang panahon,” dagdag ni Manalo.

Batay pa sa mga awtoridad, nakapunta na umano sa Saudi Arabia ang akusado para magtrabaho bilang isang domestic helper bago lumabas ang warrant of arrest sa kaniya. Nakauwi siya noong 2023.

Inaresto ng pulisya ang babae sa kaniyang bahay sa Barangay Tonsuya sa Malabon, matapos makuha ang impormasyon na nakauwi na siya ng Pilipinas.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kuhanan siya ng pahayag.

“Paumanhin po sa inyo, hindi ko po masasagot ang inyong mga katanungan po. Sa korte ko na lamang po siya sasagutin,” anang akusado.

Isinampa ang kasong five counts of qualified theft laban sa akusado, na kasalukuyang nakapiit sa Malabon City Police Station. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News