Inaresto ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang mga taxi driver na sobra umanong maningil ng pamasahe o nangongontrata sa mga pasahero sa NAIA terminals.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, ipinakita ang video footage sa isa sa 11 nahuling taxi driver na nangongontrata umano sa halip na gamitin ang metro.

Kinuha ang kaniyang driver’s license at iimbestigahan.

“True enough, napatunayan naming meron talagang contracting beyond dun sa standard dun sa supposed meter,” ayon kay Police Brigadier General Jason Capoy, AVSEGROUP director.

Ang mga taxi driver na mahuhuling nangongontrata, posibleng tanggalan ng temporary operations permit mula sa Land Transportation Office (LTO).

“Once they will still do the same violation, subject for revocation of license and franchise po ito,” sabi ni Capoy.

Base sa imbestigasyon, sinabi ng AVSEGROUP na may mga taxi driver na humihingi ng higit sa dapat na singil sa pamasahe. Gaya ng naunang naiulat na isang pasahero ang siningil ng P1,200 mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 patungong Terminal 1.

Sinabi ng AVSEGROUP na iniimbestigahan din nila ang posibleng kasabwat ng mga taxi driver sa NAIA.

“If find na may talagang nakikipag-kuntaabahan at nakinabang, we will file the necessary administrative kung active pa sila or criminal case,” ayon kay Capoy. —FRJ, GMA Integrated News