Nagtamo ng mga sugat ang isang konduktor ng EDSA Bus Carousel matapos siyang makailang beses kagatin ng isang pasaherong may mental disorder umano sa Guadalupe, Makati City.Ang pamilya ng lalaki, kinumpirmang siya rin ang nag-viral noon dahil sa pangangagat din sa loob ng bus.Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video na kuha sa loob ng isang bus ng EDSA Bus Carousel, pasado 2 p.m. ng Biyernes, kung saan pinagkakagat umano ang konduktor ng isa sa mga pasahero.Ayon sa konduktor na si Ricky De Guzman, na iniinda pa ang kirot ng mga tinamong sugat mula sa pasahero, nanggaling ng Quezon City ang pasahero.Pagkarating sa Guadalupe, napansin niyang inaambahang kagatin ng pasahero ang isa pang batang pasahero.Pumagitna siya, kaya siya na ang kinagat ng lalaki sa braso at likod.“Inambahan na niya, eh ‘di nasa gitna ako, kaya ginano’n ko, ini-screen-an ko. Kinagat niya ako rito… ‘Yung isang pasahero namin, gusto niyang kagatin, sinipa niya yata, siya ang nakasipa,” sabi ni De Guzman.Bago pa sumakay, namukhaan na umano niya ang pasahero na siya ring nag-trending noong Hunyo matapos mangagat din noon sa loob ng bus sa EDSA Carousel kaya nagulpi ng ilang pasahero.Agad ipinaalam ng konduktor sa mga tauhan ng Coast Guard ang pangyayari.“Hayaan na lang daw, ang suggestion nila, na doon pasakayin sa Metrolink na bus namin. Ang ano ko, dapat kinuha nila,” sabi ni De Guzman.Pagkarating sa bus stop, tumugon ang ilang tauhan ng SAICT at PCG kaya tumigil sa pagkagat ang lalaki at agad tumakbo palabas ng bus.Nagpunta naman si De Guzman sa ospital para magpaturok ng rabies vaccine.Hindi na aniya siya magsasampa ng reklamo ngunit nagtungo siya sa barangay para magpa-blotter.“Ang gusto ko lang sana, bantayan nila ang taong ganiyan para hindi na manakit sa kapwa tao,” anang konduktor.Inilahad ng pamunuan ng Baclaran Metrolink na makikipag-ugnayan sila sa Department of Transportation (DOTr) para makagawa ng mga hakbang para hindi na maulit ang ganitong klase ng insidente."We are going to talk with DOTr and SAICT, and find a way para ma-prevent ‘yung mga ganitong unruly passengers na makasakay at mabigyan din ng additional training program ang lahat ng involved sa EDSA Busway," sabi ni Ritchie Manuel, Senior Consultant ng Baclaran-Metrolink.Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng DOTr.Sa hiwalay na ulat ng 24 Oras Weekend, sinabing kinumpirma ng pamilya ng lalaki na siya rin ang pasaherong nag-viral noon dahil sa pangangagat sa loob ng isang bus.Gayunman, hindi alam ng pamilya kung saan nagtungo ang lalaki. Wala nang ibang detalye na ibinigay pa ang pamilya ng lalaki. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News