Nasawi ang isang babae matapos pagbabarilin habang nakasakay sa habal-habal (motorsiklong pampasada) habang pauwi sa kaniyang tahanan sa Barangay Indahag nitong Biyernes.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao, galing ang 66-anyos na biktima sa pinagtatrabahuhang mall at sumakay ng habal-habal pauwi sa kaniyang bahay.

Base sa imbestigasyon, sinabi ng driver ng habal-habal na pagdating sa lugar ng krimen, pinagbabaril na ang biktima ng rider na nakasunod sa kanila.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Ligtas naman ang habal-habal driver, at nakatakas ang salarin.

Ayon kay Nazar Uayan, kagawa ng Barangay Indahag, sinabi ng pamilya ng biktima na may anak ito na nakatanggap ng pagbabanta laban sa kanilang pamilya. Isa ito sa tinitingnan motibo sa krimen, pati na ang selos.

Pero patuloy pa umano ang imbestigasyon ng pulisya, ayon sa opisyal ng barangay.

Sinusubukan pang makuhanan ng opisyal na pahayag ang pulisya tungkol sa nangyaring krimen. – FRJ GMA News