Isang karpintero ang nasawi matapos siyang pagbabarilin sa Batasan Hills, Quezon City. Ang naarestong utak sa krimen, sinabing iginanti niya ang kaniyang anak na ginahasa umano ng karpintero.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagkausap ng isang lalaki sa 52-anyos na karpintero nitong Miyerkoles.

Ilang saglit pa, maririnig na ang pag-alingawngaw ng magkakasunod na putok ng baril.

Agad naglakad paalis ang kausap ng karpintero matapos pagbabarilin umano sa dibdib ang karpintero, na humandusay sa kalsada at wala nang buhay.

“'Yung suspect natin ay nagpanggap po na magpapagawa sa kaniya ng double-deck. At doon po ay nag-meet sila, at doon po isinagawa ng suspect natin ang krimen ng pamamaril du’n sa ating biktima,” sabi ni Lieutenant Colonel Gemmer Tubiera, Commander ng QCPD Batasan Police Station.

Matapos nito, umangkas sa may hindi kalayuan ang gunman sa motor na minamaneho ng kaniyang bayaw para tumakas.

“Sa bandang San Mateo po may tulay, tinapon po niya 'yung bag tsaka 'yung mga damit na ginamit nila kasi nagpalit po sila ng damit. Na-recover po namin doon 'yung damit niya na pinagpalitan nila, cellphone na ginamit, saka baril po na ginamit,” sabi ni Tubiera.

Agad ikinasa ng pulisya ang isang manhunt operation at nadakip ang nagmamaneho ng motor sa Caloocan noong Huwebes.

Inilahad ng pulisya na siya ang utak sa krimen, na nakipagsabwatan sa kaniyang bayaw para barilin ang biktima.

“Naghiganti po siya roon sa biktima dahil ‘di umano, ayon sa kaniya, 'yung anak niya po ay ginahasa ng biktima noong sila ay magkapitbahay pa doon sa Holy Spirit. Hindi po sila nakapagsampa ng kaso, kaya ginawa nila ay sila na mismo ang naglagay ng batas sa kanilang mga kamay,” ani Tubiera.

Umamin ang suspek sa krimen.

“Ni-rape ‘yung anak ko sir nu’ng tao na iyon…. Kasi bago ako magsumbong, wala 'yung pera ko sabi ko, ‘Anong idadaan natin bayaw? Sa batas ba o sa ano?’ Eh ‘pag idadaan sa batas, baka ma-thank you ‘yung kaso, kasi nga two years na 'yung nakaraan,” sabi ng suspek.

Nakadetene na ang suspek sa Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, habang patuloy ang pagtugis ng pulisya sa gunman.

Parehong mahaharap ang magbayaw sa reklamong murder. — Jamil Santos/VBL GMA News