Isa si Alden Richards sa mga nanguna sa pagdiriwang ng World Bicycle Day, na ikinatuwang patuloy ang paglaki ng cycling community sa Pilipinas.
Sa ulat ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing into cycling ngayon si Asia's Multimedia Star bilang paraan niya ng pag-de-stress, at pag-priority na rin ng kaniyang mental at overall health.
“Since marami akong engagements everyday because of my work environment, isa ‘yung cycling sa tini-treat ko na outlet ko for mental health and at the same time para refresher ba, para maka-eject lang ako du’n sa work environment and at the same time makabalik ako na refreshed,” sabi ni Alden.
Masaya si Alden dahil dumarami at lumalaki pa ang cycling community sa bansa.
Nasa 800 cyclists ang lumahok sa pagdiriwang ng World Bicycle Day.
“Nakakatuwa lang na slowly palaki nang palaki ‘yung cycling community dito sa Pilipinas. Be mindful of the road. Kailangan laging may helmet. Make sure that ‘yung bike niyo is in good condition before riding out. And safety first,” sabi niya.
Bukod sa kaniyang aktibong lifestyle, abala si Alden para sa upcoming medical drama series na Code Gray, kung saan gaganap siya bilang si Dr. Grayson Lozano na isang surgeon.
“Natapos na rin namin majority of the preparations, also the immersion, script reading, look test and everything. So excited kami to grind for our first shooting day on Monday.”
Bukod sa Code Gray, nag-umpisa na rin si Alden at ibang cast members sa taping ng romantic comedy series na “Love, Siargao” kasama si Nadine Lustre. — Jamil Santos/VBL GMA News
