Itinanggi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado na nagkaroon sila ng mga pag-uusap sa kampo ni Senator Jinggoy Estrada tungkol sa mga hinaharap nitong kasong plunder at graft.

"May mga sinabi kasi si Senator Jinggoy Estrada na marami raw kumakausap sa kaniya tungkol sa mga kaso. Ang sasabihin ko lang sa mga kung sino man ang mga, merong kumakausap, hindi ho ako nakikipag-usap kahit kanino tungkol sa ganiyang bagay," sabi ni Remulla sa kaniyang programa sa radyo.

"Kung ano ang ebidensiya, 'yun po ang aming susundin. Kung ano ang ebidensiya, we will follow the evidence. Walang puwedeng mangako," dagdag pa ni Remulla.

Ayon pa kay Remulla, iniiwasan ng Ombudsman na maging kasangkapan ito para sa politika.

"Kasi ayaw nating ma-weaponize 'yung opisina na aking pinangungunahan. We cannot weaponize it. Hindi po ito puwedeng maging sandata ng politika," sabi niya.

"Hindi dapat makikinig sa ganiyang mga bilin sapagkat hindi po kami nakikipag-usap sa ganiyang bagay," panawagan pa ni Remulla kay Estrada.

Matatandaang itinanggi na rin ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na may bahid ng politika ang P573-milyon na kasong plunder at graft na inihain kay Estrada at sa apat pa nitong kapwa akusado.

Tumugon si Clavano sa alegasyon ni Estrada na nilapitan umano ito para iwan ang Senate majority bloc, kapalit ng pagbabasura sa hinaharap na mga kaso ng mambabatas.

Hiniling ng kampo ni Estrada sa Sandiganbayan na ibasura ang plunder at dalawang count ng kasong graft na inihain ng Tanggapan ng Ombudsman kaugnay ng kaguluhan sa flood control. — VBL GMA News