Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang habilin ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kapag namatay siya habang nakadetine sa The Hague, Netherlands.
"Sabi niya, kung mamatay daw siya dito sa Netherlands, 'wag na daw iuwi 'yung kaniyang katawan sa Pilipinas. Ipa-cremate lang daw siya dito, 'yung ashes na lang daw ang iuwi," saad ni Sara sa isang panayam habang nasa The Netherlands para bisitahin ang kaniyang ama.
"And then, sabi ko, i-discuss na lang natin sa susunod kasi hindi ako pro-cremation… Tapos siya, pro-cremation siya," patuloy ng pangalawang pangulo.
Nang tanungin si Sara kung ano ang kaniyang naramdaman sa sinabi ng ama, ayon sa pangalawang pangulo, natural lang umano sa kaniyang ama na mag-isip ng ganoon dahil na rin sa edad nito na 80.
"Mabuti na rin 'yon na alam natin lahat kung ano 'yung kaniyang last wishes para magagawa 'yun kapag nangyari," dagdag niya.
Una nang sinabi ni Sara na pumayat ang kaniyang ama mula nang madetine ito sa The Hague, at inilarawan niya ang pangangatawan ng dating pangulo na "skin and bones."
Nitong nakaraang Marson ang arestuhin at dalhin sa The Hague ang nakatatandang Duterte dahil sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC), kaugnay sa nangyaring mga patayan sa kaniyang war on drugs campaign sa panahon ng kaniyang administrasyon. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News

