Nasawi ang isang babae matapos tamaan ng bumagsak na puno habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo sa Barangay San Isidro sa General Santos City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ang biktima na si Marichu Gadiane, 65-anyos.

Ayon sa anak ng biktima na si Marianne, pauwi ang kaniyang ina mula sa isang resort para kumuha ng charger sa speaker nang mangyari ang aksidente noong Lunes.

Pero kinalaunan, nabalitaan ng pamilya na nabagsakan ng puno ng neem ang biktima at kaagad na binawian ng buhay.

Ayon sa barangay kagawad na si Pete Perez, posibleng pinahina ng sunod-sunod na ulan ang puno na mahina umano ang kapit ng ugat sa lupa na hindi kagaya ng acacia.

Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na maaaring mayroong nagkulang dahil marami umanong malalaking puno sa lugar na posibleng magdulot ng panganib kaya dapat na pinutol na ginawan ng paraan.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang lokal na pamahalaan. – FRJ GMA Integrated News