Humingi ng paumanhin si Quezon City Representative Bong Suntay kay Anne Curtis at sa mga nasaktan sa kaniyang mga pahayag sa deliberasyon ng House Committee on Justice sa reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Gayunman, nanindigan siya sa kaniyang paghahalimbawa o “analogy.”
"While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, tayo'y, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy,” sabi ni Suntay sa isang ambush interview nitong Miyerkoles ng umaga.
“But kung may nasaktan, humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi [ko], uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kaniya. Pero when, totoo 'yung it was a fictitious situation na aking ginawa. Isa lang ang totoo doon, 'yung sinabi kong ang ganda-ganda niya," patuloy niya.
Gayunman, nanindigan si Suntay sa kaniyang paghahalintulad para ipakita na hindi impeachable offense ang imahinasyon.
"Pinakita sa video 'yung kay VP Sara (Duterte) at one of the allegations being used for the impeachment ay 'yung desire at saka 'yung kaniyang imagination to inflict harm. Sabi ko nga, desire and imagination is not an impeachable offense," paliwanag ni Suntay.
"I stand by my statement. That analogy was used to prove that statements are oftentimes taken out of context. Nagsisisi ako na may nasaktang mga kababaihan because that was never the intention ng aking statement," pagpapatuloy niya.
Iginiit niyang muli na walang malisya ang kaniyang analogy bagaman maaaring hindi nagustuhan ng ibang tao na hindi niya intensyong gawin.
“The intention was to make a point that usually, oftentimes, statements are taken out of context and conclusions are made. Secondlly, desires and imagination cannot be made an impeachable offense. Because you need an overt act. Desires and imagination are not a criminal offenses. That’s the analogy. I regret na may nasaktan. But I don't regret making that analogy,” ayon pa sa mambabatas.
Gender sensitivity training
Nang hingian ng komento tungkol sa panawagan sa kaniya ni Akbayan party-list Representative Perci Cendaña na sumailalim sa gender sensitivity training, tugon ni Suntay, "That's uncalled for kasi ang sinasabi ko nga that the stated analogy was purely taken out of context and there was no malice meant in that statement."
Hinikayat ni Cendaña si Suntay na humingi ng tawad kay Anne Curtis at kumuha ito ng gender sensitivity training.
"Siyempre, nalulungkot tayo na makarinig ng mga ganoong mga remarks that objectify women, especially in a process na dapat ina-uphold ang justice and accountability. Kaya may panawagan tayo, a very sincere one, to Rep. Suntay and to all members of the House of Representatives to undergo a gender sensitivity training. Walang espasyo dito sa kapulungag ito at kahit saan para sa pag-objectify ng kababainan," sabi ni Cendaña.
Natanong din si Cendaña kung maghahain ang Akbayan party-list ng ethics complaint laban kay Suntay. Sinabi niyang hindi pa umaabot sa puntong ito ang party-list representative.
"Ang mga ganitong issue po hindi po dapat ipinagsasantabi lalo na po 'yung mga lawmakers. Kasi tayo ang gumagawa ng batas dito. So tayo dapat 'yung unang naga-uphold ng mga batas na iyon. We should work for safe spaces in our society. We should work for respect for women at nakalulungkot kapag sa espasyong ito na ma-violate yon," diin ni Cendaña.
"Huwag nating gamitin ang objectification of women para lang ipagtanggol si VP Sara Duterte," dagdag niya.
Para naman kay House Assistant Minority Leader Sarah Elago, ang kakulangan ni Suntay ng pagsisisi ay nagpapakita na ginagawang normal ang pambabastos sa mga kababaihan.
"Ang mga pahayag na nagtatrato sa mga kababaihan bilang object ng ‘imagination’ at ‘desire’ sa public hearing at interview ay may real-life consequences sa mga babaeng nakararanas ng iba’t ibang porma ng pambabastos, diskriminasyon, at abuso sa araw-araw. Hindi dapat nagiging normal ang ganito lalo pa sa Kongreso at public office kung saan nakakaapekto ang mismong mga salita, pahayag, at aksyon ng mga public officials sa mga patakaran, sa kultura, at pang-araw-araw na buhay ng mga kababaihan at lahat ng ordinaryong mamamayan," sabi ni Elago..— Tina Panganiban-Perez/Llanesca T. Panti/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

_2026_03_04_11_19_35.jpg)