May ilang tao na nagipit ang lalo pang nagipit at nalubog sa utang dahil sa pagkapit nila sa mga online lending apps o online pa-utang. Ang mga biktima-- kabilang ang mga guro at negosyante-- nakaramdam umano ng matinding stress at takot dahil sa pagbabanta sa kanilang buhay kung hindi sila makakabayad.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ipinakilala ang negosyanteng si “Vangie,” hindi niya tunay na pangalan, na napilitang lumipat ng bahay matapos makatatanggap ng death threats dahil sa mga patong-patong niyang utang sa mga online lending apps o OLA.

“Nagkakaroon ako agad ng depression, lalo na hindi ako makabayad agad. Nakaka-stress, nakakatakot, lalo na may mga death threats ka,” sabi ni Vangie.

Bago nito, mayroon siyang tatlong canteen, grocery at nagki-catering services pa siya noon. Nakakakain nang maayos at nakakapag-aral ang kaniyang mga anak, at mayroon pa silang dalawang sasakyan, motor, gadgets at computer.

Ngunit taong 2023 nang magkaproblema sa pananalapi nang magdesisyon si Vangie na mangutang sa online lending application, na nakikita niya kaniyang social media feed. Naingganyo siya dahil wala umanong masyadong requirement kundi selfie lang.

Nangutang si Vangie ng P30,000, pero nagulat siya dahil P23,000 lang ang kaniyang natanggap sa e-wallet dahil may tubo pala o advance interest na P7,000. At kapag hindi siya makabayad matapos ang 10 araw, mag-a-accumulate ang halaga na may charge na 3%.

Nakapagbayad siya sa simula pero sa pangatlong beses niyang pag-utang, hindi na siya nakapagbayad sa takdang araw. Nag-accumulate ang kaniyang charges ng penalty na P900 kada 10 araw.

Para mabayaran ang lumulobo niyang utang, muling nangutang si Vangie sa ibang online lending apps. Sa katatapal niya sa mga utang, hindi namalayan ni Vangie na umabot na sa 20 online lending apps ang kaniyang nautangan.

Sa kabuuan, umabot ng humigit-kumulang P300,000 ang kaniya umanong mga utang sa mga OLA. Sa nasabing halaga, nasa P200,000 lamang ang nagamit nilang pera, habang ang mga natira ay puro tubo na nakuha ng kaniyang mga nautangan.

Nang hindi makabayad ng mga utang sa OLA, nagsimula na ang pangha-harass ng agents kay Vangie. Pati ang nasa contacts ng cellphone ni Vangie, pinadalahan ng mensahe ng agents tungkol sa kaniyang inutang.

May mga pumunta pa umano sa kanilang bahay para singilin siya.

Ngunit ang pinaka ikinabahala ni Vangie, nang makatanggap na siya ng death threats.

“‘Ipu-post kita sa social media, sa mga group para magamit ng scammer ang mga details mo. Gagawin kong miserable ang buhay mo,’” mensahe umano ng mga agent kay Vangie.

Bukod sa utang sa OLA, mayroon pa siyang ibang pinagkakautangan. May utang siyang P600,000 sa mga tao at P1.8 million naman sa bangko kaya sa kabuuan, may mga utang siyang P3 milyon.

Tuluyang nalugi ang kaniyang catering business kaya umabot sa puntong namasukan na siyang kasambahay habang namamasada naman ng taxi ang kaniyang mister.

“Sobra talagang nagsisi ako. Ayaw ko nang umutang sa OLA. Madali siyang umutang pero mahirap talaga makawala,” sabi ni Vangie.

Samantala, ibinibenta na ngayon ni “Regina,” isang dating teacher, ang kaniyang mga naipundar sa loob ng isang dekadang pagtuturo dahil sa mga patong-patong na mga utang sa OLA.

Nag-resign si Regina noon sa trabaho pero tuloy-tuloy ang dating ng kaniyang bills, at nahiya siyang magsabi sa pamilya. Dahil nagipit, sa OLA kumapit si Regina.

Ang nakita niyang OLA sa YouTube, inutangan niya ng P8,00 na may interes na aabot ng 40%, kaya P12,000 pataas ang babayaran. Nabayaran naman niya ito kaya siya nag-loan ulit.

Hanggang sa umaabot na sa P25,000 ang tubo ng OLA.

Ngunit ikinagulat ni Regina na sinisingil na siya kahit hindi pa niya due date. Pero Ngunit dahil patong-patong na ang kaniyang mga bayarin para mabayaran ang due date, nangutang siya ulit.

“Doon na nagsimula 'yung tapal system or patchwork. I had to gather enough funds from different OLAs para maibayad ko doon sa initial na OLA na kailangan kong bayaran. And then it went on like that, like a cycle,” sabi ni Regina.

“Kung kokompyutin ko 'yung 34 OLAs noon, P400,000 plus,” dagdag niya.

Sinubukan naman niyang bayaran ang kaniyang mga utang, pero hirap siyang maayos ito lahat dahil sa nakalulula nitong mga interes.

“Nakalagay diyan is P28,250, pero ang interes nila na ini-impose, look, amount that should be paid is P36,386. And ngayon, P54,000 na siya, 40 days. 40 days na hindi nabayaran,” sabi niya.

Sa kabila nito, kalahati lang o P200,000 ang aktuwal na halaga na natanggap niya mula sa P400,000 na inutang pero ang mga natira ay service fees at interest na.

Gaya ni Vangie, tinakot din si Regina ng OLA agents.

“‘Talagang ipo-post ko mukha mo... Dapat ang mga kagaya mong utangera at hindi marunong magbayad ng utang, pinapatay. Pati pamilya mo, idadamay ko, sabay-sabay kayong ibabaon sa hukay na magkakasama,’” mensahe umano ng OLA agent kay Regina.

“Gusto ko rin ma-warn 'yung ibang tao not to fall victim to these online lending companies,” sabi niya.

Dahil dito, ibinenta niya ang kaniyang mga naipundar gaya ng kaniyang sasakyan para ma-settle ang natitirang halaga na nasa halos P200,000.

Matagal nang ipinaglalaban ng grupong United OLA Victims Movement ang problemang hinaharap nina Vangie at Regina.

“Aabot siguro more or less P50,000 per day po ang nangungutang po sa OLA.
Nabibiktima po sila ng false advertisement. Ang offer po kasi ng OLA, long term of payment, zero interest, tapos mabilis ang release ng pera. Pero not knowing, once na nag-agree ka, kabaliktaran na 'yung ina-offer,” sabi ni Kikay B., founder ng United OLA Victims Movement.

Ayon naman kay Atty. Sheara Lupangco - Tamayo, Director ng SEC Financing and Lending Companies Department na bagama’t legal ang OLA o OLP sa Pilipinas, dapat pa rin silang suriin sa website ng SEC.

Naglabas ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ng listahan ng unregistered online lending apps na pinakamadalas ireklamo sa kanila.

Noong nakaraang taon naman, pinakamarami ang mga naitalang reklamo laban sa mga OLA sa Pilipinas. Nasa 15,000 lahat ng mga reklamo ay sa ilalim ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Hulyo 2025. – FRJ GMA Integrated News