Wala nang nakuhang pera, nahuli-cam pa sa CCTV camera ang mga mukha ng dalawang kawatan na magkahiwalay na umatake sa isang tindahan at isang laundry shop sa Iloilo.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita ang isang kawatan na maingat na pumasok sa isang tinahan sa Guimba, Iloilo at nagmasid-masid.

Nang matiyak niya na walang tao sa tindahan, kinuha niya ang isang pitaka at kaagad na umalis.

Ayon sa may-ari ng tindahan nagkataon na wala talagang naiwang tao sa tindahan nang mangyari ang insidente.

Mabuti na lang umano na walang laman na pera kung hindi puro resibo lang ang nasa loob ng pitaka na tinangay ng kawatan.

Sa Tigbauan naman sa Iloilo pa rin, nahuli-cam ang isang lalaki na pumasok sa laundry shop. At nang makitang walang ibang tao, tinangay niya ang isang bag na nakapatong sa counter at saka sumibat.

Ngunit ayon sa tauhan ng laundry shop, mga basura lang ang laman ng bag.

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa iba pang himpilan kaugnay sa nangyaring nakawan. – FRJ GMA Integrated News