Matapos ang halos limang buwan, muling magpapalit ng pinuno sa Presidential Communications Office (PCO) ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “ Bongbong”Marcos Jr.

Ngayong Huwebes, inanunsyo ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing, na ang dating print journalist na si Dave Gomez ang magiging pinuno ng PCO, kapalit ng dating broadcast journalist na si Jay Ruiz.

Si Gomez ang magiging ika-limang kahilim ng PCO sa mahigit tatlong taon ng administrasyong Marcos.

''Secretary Dave will ensure clear and truthful government messaging for every Filipino,'' ayon kay  Castro.

Wala pang impormasyon kung kalian manunumpa si Gomez sa kaniyang posisyon.

Huling bahagi nitong nakaraang Pebrero nang manumpa bilang kalihim ng PCO si Ruiz, matapos na palitan si Cesar Chavez, na nagbitiw sa naturang sa naturang posisyon sa nasabing buwan.

September 2024 nang maging PCO chief si Chavez matapos palitan naman si Atty. Cheloy Garafil, na pumalit sa pinakaunang PCO chief na si Atty. Trixie Cruz-Angeles, na ilang buwan din lang naupo sa naturang posisyon.

Bukod sa beteranong mamamahayag, minsan ding pinamunuan ni Gomez ang Philippine Information Agency (PIA), at naging communications director ng malaking kompanya na PMFTC Inc.

Samantala, napag-alaman na magiging miyembro si Ruiz ng Board of Directors ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), ahensiyang namamahala sa ugnayan ng bansa sa Taiwan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ruiz na isang karangalan sa kaniya na pinamunuan niya ang PCO, “in advancing transparency, timely information, and responsible public communication.”

''My almost five months as PCO Secretary have been a profound learning experience. I witnessed firsthand the nobility of public service, where every day presents an opportunity to serve the Filipino people and contribute directly to nation-building,'' saad ni Ruiz.

Nagpasalamat si Ruiz sa patuloy na tiwala sa kaniya ni Marcos para sa bago niyang tungkulin sa administrasyon.

Binati rin niya si Gomez, at sinabing naniniwala siya sa kakayahan nito na pamunuan at isakatuparan ang misyon ng PCO. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News