Hindi "pumasa" kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang panukalang batas na gawing National Polytechnic University ang Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes ang pag-veto ni Marcos sa naturang panukalang batas na inaprubahan ng Kongreso, at pirma na lang ng pangulo ang kailangan upang ganap na maging batas.
''Ang sinasabi pong bill ay na-veto ng Pangulo dahil nagkaroon po ng direktiba noon pa po ng 2016 na dapat magkaroon ng assessment. At sa ngayon po, lumalabas na hindi po nagkaroon ng compliance para sa assessment ng nasabing paaralan,'' ayon kay Castro.
''At mananatili naman po ang Pangulo at umaasa siya na ang PUP po ay magkakaroon din po ng national university status kapag po na-comply po nila lahat ng mga requirements,'' dagdag nito.
Hindi naman binanggit ni Castro ang mga dahilan na sinasabing mga rekisito na hindi nagawa ng PUP.
Nakapaloob sa panulakalang Revised Polytechnic University of the Philippines Charter ang layunin na magbigay ng suporta sa iba pang polytechnic state universities and colleges sa bansa “in the development and delivery of professional and technical programs.”
Bilang National Polytechnic University, pangunahing layunin ng PUP na mag-alok ng mas mataas na antas ng pagtuturo at pagsasanay sa mga larangan ng engineering at architecture, applied sciences, at iba pang polytechnic programs. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

