May buto ng tao na nakuha sa mga sako na nasisid sa Taal Lake kaugnay sa paghahanap sa mga labi ng nawawalang mga sabungero, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III.

“Halo-halo 'no kasi alam niyo naman may farm diyan sa lugar na 'yan. May farm, ang Taal ay farming 'yan. So andiyan na lahat ng makikita natin. May mga na-recover na mga animal remains. May human,” pahayag ni Torre sa press briefing nitong Lunes nang tanungin tungkol sa mga buto na nakuha sa lawa.

“Mix-mix na ang ating mga tinitingnan ngayon. Kaya kasama sa ating processing diyan ang mag-differentiate kung ito ba ay animal origin o human origin,” dagdag niya.

Hanggang nitong Huwebes, may limang sako na may laman na hinihinalang mga buto ang nakuha mula sa Taal Lake sa bahagi Laurel, na isinasagawa ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.

Isa sa mga lugar sa lawa na itinuturing “ground zero” sa operasyon ang palaisdaan na nirentahan umano ng isa sa mga suspek.

Isinagawa ang paghahanap sa mga buto batay sa rebelasyon ng whistleblower at co-accused na si Julie "Dondon" Patidongan. Aniya, pinatay ang nawawalang mga sabungero at itinapon ang mga labi sa lawa.

Isinailalim sa forensic examination ang mga nakuhang buto. Ang mga buto na mula sa tao, ima-match sa DNA ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ/GMA Integrated News