Nagsumite na complaint-affidavit sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang whistleblower at akusado na si Julie “Dondon” Patidongan laban sa 14 na aktibo at dating mga pulis na sangkot umano sa pagkawala at pagpatay sa mga sabungero. Kabilang sa mga inireklamo ang isang Lieutenant General na dating hepe National Capital Region Police Office (NCRPO) na retirado na.

Sa press conference nitong Lunes matapos na ihain ang reklamo, sinabi ni Patidongan na sangkot ang mga pulis na nakasaad sa kaniyang affidavit sa pagkuha sa mga nawawalang sabungero na dinala sa isang farms patungo sa Taal Lake. 

“Itong mga pulis na ito. Sila ang mga kumukuha ng mga missing sabungero galing sa farm. Sila ang nagdadala doon sa Taal Lake,” ani Patidongan.

Ayon kay Napolcom vice chairperson and executive officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, mahaharap ang mga pulis sa administrative charges para sa grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer.

“Ang penalties noon ang pinakamababa ay suspension, ang gitnang penalty ay demotion, ang pinakamabigat na penalty doon ay dismissal from the service,” saad ng opisyal.

Plano ng Napolcom na makapaglabas ng desisyon sa naturang reklamo ni Patidongan sa loob ng dalawang buwan.

Kabilang sa mga pulis na tinukoy ni Patidongan sa kaniyang reklamo ay si retired Police Lieutenant General Jonnel Estomo, na naging hepe ng NCRPO.

“Si General Estomo, siya ay miyembro ng Alpha. 'Yang si General Estomo, isa 'yan sa nag-udyok kay Mr. Atong Ang na ‘Boss, patayin mo na si Dondon Patidongan para matapos na yung problema mo na yan’,” ayon kay Patidongan.

“May monthly ‘yan sila kasi Alpha nga. Kapag sinabing Alpha kasama siya sa hatian na P70 million pero tatlo silang grupo siguro hati-hati sila sa P70 million a month,” dagdag niya.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag si Estomo.

Sinabi rin ni Patindongan na sangkot din sa drug war killings ang mga pulis na sangkot sa missing sabungeros case.

Tatlo sa mga inireklamo ni Patidongan ang napag-alaman na nasibak na sa serbisyo.

Una rito, inihayag na 15 pulis ang isinailalim sa restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City matapos silang iugnay ni Patidongan sa nawawalang mga sabungero. — FRJ, GMA Integrated News