Inaresto ng mga awtoridad ang isang 62-anyos na lalaki matapos niyang dukutan umano ng P80,000 ang kapwa-senior citizen sa loob ng isang jeep sa Maynila.
Sa kuha ng CCTV, nakitang pasakay ng isang jeep ang suspek na nakaputing T-shirt sa bahagi ng Taft Avenue sa Maynila.
Pagdating sa bahagi ng Lawton, agad bumaba ang lalaki.
Makikita pa sa video na tila nagmamadali siyang tumawid sa kalsada.
Natangay na pala niya ang nasa P80,000 umano na cash ng isang 79-year-old na pasahero na nakasabay niya sa jeep.
Ayon sa pulisya, hindi agad nalaman ng biktima na nadukutan na pala siya.
Isang kapwa pasahero raw ang tumulong sa biktima para magsumbong sa pulis.
"Nalaman na lang ng ating biktima na nasalisihan siya dito naman sa may Carriedo nu'ng pababa na sila,” ani Police Lieutenant Colonel Alfonso Saligumba III, station commander ng Manila Police District Station 5.
"At immediately, 'yung ating kapulisan ay nag-proceed sa area of incident at nag-conduct ng backtracking,” dagdag niya.
Nahuli kinabukasan sa isang mall sa Quiapo ang suspek, pero nasa P40,500 na lang ang nabawi sa kanya ng mga awtoridad.
Narekober din mula sa suspek ang isang medyas na nagsilbing wallet ng biktima at isang balisong.
Napag-alaman naman ng pulisya na dati nang nakulong ang suspek dahil sa kaparehong kaso.
Hawak na ng Ermita Police Station ang suspek na aminado naman sa kanyang nagawa.
"Dinukot ko po... Nagawa ko lang po 'yun kasi pinalayas po ako ng asawa ko. Nagutom po ako," saad ng suspek.
Pero iginiit niya na nasa P70,000 lang ang pera na nakuha niya.
Nagastos niya raw ang mahigit P29,000 matapos siyang magpa-inom sa kanyang mga kaibigan at magpadala ng pera sa kanyang mga anak sa probinsiya.
"Nagsisisi nga po ako," sabi ng suspek.
Na-inquest na ang suspek at nasampahan na ng kasong theft at concealing of deadly weapon. —KG, GMA Integrated News
