Tinawag ng Palasyo na malaking kasinungalingan ang ginagawang pagdadawit kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkamatay sa Amerika ng Rustan's executive na si Paolo Tantoco noong Marso.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na "a huge lie" ang bahagi ng Beverly Hills Police Department report na naka-post sa Facebook.

Tumutukoy ang nasabing bahagi sa umano’y "overdose sa droga" at ipinatawag umano para sa imbestigasyon ang mga kasamahan ng pumanaw.

''Ang sinasabing police report na nai-post sa Facebook ay isang malaking kasinungalingan. Kahit kayo po mismo ay maaaring mag-imbestiga sa nasabing lugar, sa Beverly Hills Police Department, para malaman ninyo na iyong inilagay sa Facebook na may guhit na color pink, kung hindi ako nagkakamali, ang parteng iyon ay idinagdag lamang,'' ayon kay Castro.

''Nag-start ang mga salitang 'and the cause of initially suspected to be drug overdose, up to the word ending in 'Miro' iyan po ay idinagdag lamang. Ito ay mga gawain upang masira ang Unang Ginang, ang Pangulo at ang administrasyon na ito para sa pang-personal na interes,'' dagdag niya.

Hiningan din ng mga mamamahayag ng reaksyon ang bagong Presidential Communications Office Secretary na si Dave Gomez kaugnay sa pagkamatay ni Tantoco, at inihayag nito na "private matter" ang nangyari kaya hindi siya magkokomento.

Ikinalulungkot ni Castro na nadadamay umano sa pamumulitika ng iba ang mga pribadong tao na nagluluksa.

''Nakakalungkot dahil iyong mga pribadong tao na nagluluksa ay nadadamay sa pamumulitika. Ginagamit ng ibang obstructionist para masira ang First Lady, ang Pangulo at ang administrasyon na ito. Nakakahiya ang kanilang mga ginagawa,'' ayon kay Castro.

''Unang-una, si Mr. Paolo Tantoco ay hindi po kasama sa official entourage ni FL o ni First Lady, ng unang Ginang. Nakakahiya dahil gumawa sila ng pekeng police report, naturingang journalist, mga dating Spokespersons, hindi marunong mag-imbestiga ng sarili. Hindi sila nagiging journalist, kung hindi nagiging propagandista ng kanilang mga sinusulong na interes,'' dagdag nito pero wala siyang partikular na taong pinatungkulan.

Iginiit ni Castro na hindi magkapareho ang hotel na tinuluyan sina First Lady at Tantoco.

''Tandaan po natin, ang Unang Ginang po, noong siya ay nasa Los Angeles ay mayroon po siyang security service na provide ng US at mayroon din po siyang kasamang PSG. Hindi rin po siya nag-stay sa nasabing hotel ni Mr. Tantoco. Iba po ang kanyang hotel,'' paliwanag niya.

Ipinakita rin ng Palasyo ang mga aktibidad na dinaluhan ng First Lady noong March 8, na kasama si Tourism Secretary Christina Frasco.

''Makikita po ninyo sa screen na mayroong konsyerto para sa Filipino. Makikita ninyo sa larawan din, Secretary Christina Frasco, March 8 iyan ginanap, hapon hanggang gabi. Paano masasabi ng mga obstructionist na ito, ng mga Facebook peddlers na ito ang patungkol sa nakita nilang mga tao doon sa vicinity, kaya po iyan ay idinagdag lamang..." ani Castro.

''Nandito naman po iyon sa Facebook ng Unang Ginang. Pero kahit ito po ay nasa Facebook, at ito po ay nairereport naman, pilit nilang binabago ang kuwento at nakakalungkot, dahil kapwa Filipino ang kanilang niloloko para sa kanilang personal na interes,'' dagdag niya.

Ayon kay Castro, pinag-aaralan ng Palasyo ang legal na hakbang na gagawin laban sa mga taong nasa likod umano ng mga paninira kay First Lady. – mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News