Itinanggi ni retired Police Lieutenant General Jonnel Estomo, dating hepe ng National Capitol Regional Police Office (NCRPO) na may kinalaman siya sa pagkawa ng ilang sabungero.

“I categorically deny my involvement in any manner and I will present evidence to clear my name,” sabi ni Estomo sa isang pahayag nitong Martes.

“Sapagkat ang pag-uugnay sa aking pangalan ay walang sapat na patunay, and while I won't get ahead of any investigation, naniniwala ako na dapat ang katotohanan lamang—at hindi sa salita na galing sa iba—ang mananaig sa paghahanap ng katarungan,” dagdag niya.

Nitong Lunes, nagsumite ng complaint-affidavit sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang whistleblower na si Julie "Dondon" Patindongan, na nagdadawit sa 18 aktibo at dating pulis na sangkot umano sa kaso ng missing sabungeros.

Kabilang sa mga pulis na idinawit ni Patidongan si Estomo, na isa umano sa “Alpha” member sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

“Si General Estomo, siya ay miyembro ng Alpha. Yang si General Estomo, isa yan sa nag-udyok kay Mr. Atong Ang na ‘Boss, patayin mo na si Dondon Patidongan para matapos na yung problema mo na yan,’” ayon kay Patidongan.

“May monthly yan sila kasi Alpha nga. Kapag sinabing Alpha kasama siya sa hatian na P70 million pero tatlo silang grupo siguro hati-hati sila sa P70 million a month,” dagdag niya.

Ayon kay Estomo, sasampahan niya ng kaso Patidongan dahil sa maling paratang laban sa kaniya.

“Para kay Ginoong Patidongan, sa kanyang ginawang paninira sa aking pagkatao at reputasyon, inihahanda na ng aking mga abogado ang kaukulang kaso sa malisyoso at walang batayang akusasyon sa akin,” sabi ni Estomo. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News