Sang-ayon umano ang 66 porsiyento ng mga Pilipino na dapat harapin ni Bise Presidente Sara Duterte ang kinakaharap na impeachment case para sagutin niya ang mga alegasyon ng katiwalan laban sa kaniya, batay sa isang survey ng Social Weather Station na isinagawa noong Hunyo at kinomisyon ng Stratbase.

Isinagawa ang naturang survey noong June 25 hanggang 29 na may 1,200 adult respondents sa buong bansa.

Sa nasabing survey, 19 na porsiyento ang tumutol, at 15 porsiyento ang walang desisyon.

Pinakamarami sa mga tinanong na sang-ayon na harapin ni Duterte ang impeachment case ay mula sa Metro Manila na nasa 76%. Sumunod ang Balance Luzon na may 69%, ang Visayas na may 67%, at Mindanao na may 55%.

Sa socio-economic classes, ang mga nasa Classes ABC ang may pinakamataas na bilang ang sang-ayon sa naturang pahayag na may 73%. Sumunod ang Class D na may 66% at Class E na may 62%. – mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated news