Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules na 50% na ang fare discount ng mga senior citizen at persons with disability (PWD) na sasakay sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Inihayag ito ng pangulo sa MRT-3 Santolan-Annapolis southbound station, kasama si Transportation Secretary Vince Dizon at MRT-3 general manager Michael Capati.
Una nang binigyan ng 50% train fare discount ang mga estudyante noong June, para mabawasan ang gastusin nila sa pagbiyahe.
''Nandito po tayo ngayong umaga para i-highlight ‘yung ating bagong gagawin na nagbibigay tayo ng diskuwento. Noong nakaraan nakapagbigay tayo ng diskuwento sa ating mga student basta’t magpakita ng student ID ay makakapagkuha sila ng 50% na discount,'' ayon kay Marcos.
''Ngayon naman ay idadagdag natin sa grupong ‘yun na mabibigyan ng 50% discount ang mga senior citizens at ang mga PWD,'' dagdag ng pangulo.
Ayon kay Marcos, inaasahan na 13 milyong senior citizens at pitong milyong PWDs ang makikinabang sa diskuwento.
Bago nito, mayroon lamang 20% discount ang mga senior at PWD. Ibig sabihin, madadagdagan ito ng 30% discount.
Sinabi ni Dizon na araw-araw puwedeng magamit ng mga senior citizen at PWDs ang discount.
Pinag-aaralan na rin umano ng pamahalaan na maipagkaloob ang naturang diskuwento sa iba pang public transportation system. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

