Nasawi ang isang 55-anyos na tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos siyang pagsasaksakin ng matagal na niyang kaalitan sa Tondo, Manila. Ang suspek, ilang buwan pa lang umanong nakalalaya mula sa piitan.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Rosauro Suba, miyembro ng MMDA demolition team. Sumuko naman ang suspek na si alias Levi.

Sinabi ni Barangay 48 chairman Boyet dela Rea, bumibili noon ng siomai ang biktima nang lapitan ng suspek na armado ng balisong.

“Kinukuha ‘yung siomai. Hilaw pa ho ata. Sabi nung may tindahan mamaya na,” kuwento ni dela Rea. “Ngayon lumapit 'yung Levi, 'Ikaw kanina ka pa makulit.' 'Yun nagkairingan na tapos 'yun bumunot ng [balisong] 29. Bata pa lang daw talagang magkaaway na 'yang mga 'yan.”

Nagtamo ang biktima ng 19 na saksak na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Sinabi ni Barangay 49 chairman Ariel Uno Dionisio, na sumuko kinalaunan ang suspek, na ilang buwan pa lang nakalalaya dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nakadetine na sa Manila Police District ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.— FRJ, GMA Integrated News