Bangkay na nang marekober sa ilog ng San Mateo ang isang 67-anyos na lalaki na tumawid sa creek sakay ng motorsiklo, matapos siyang tangayin ng malakas na agos ng tubig sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni Maki Pulido sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing narekober ng mga tauhan ng San Mateo MDRRMO ang biktima.
Sakay ng motorsiklo ang biktima nitong Lunes, Hulyo 21 nang tangayin ng tubig habang tumatawid sa isang creek sa Barangay Puray sa Rodriguez.
Kahit humupa na ang baha, hindi pa natatapos ang paghihirap ng marami sa mga apektadong residente sa San Mateo.
Wala pa ring kinikita ang pamilya ni Delia Obrenario, residente ng Barangay Maly, mula sa pagtitinda ng isda dahil sa sama pa rin ng panahon.
Hindi rin niya alam kung saan kukuha ng pampaayos ng bahay dahil lalong rumupok ang mga kahoy na nababad sa tubig.
“Kinakabahan pa rin ako. Lalo na sa gabi hindi ako makatulog. Sabi ko umuulan na naman. Iniisip ko, sabi ko baka bumahan na naman,” ani Obrenario.
Putik at mga basang gamit naman ang inabutan ng pamilya ni Rosemarie Señorin pag-uwi mula evacuation center sa Barangay San Jose sa Rodriguez.
Isang supot ng noodles at isang maliit na de lata na lamang ang natitira mula sa natanggap nilang relief pack.
Nagtitiis sila sa hilaw na saging para malamanan lang ang tiyan nilang mag-asawa at maliliit na anak at apo.
“Wala na po kami kakainin po. Iniisip po namin paano kami kakain po. Gutom din po ‘yung mga bata,” sabi ni Señorin.
Ayon sa mga residente, Lunes ng gabi nang mabilis tumaas ang tubig sa kanilang barangay.
Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan, nasira ang isang bahagi ng riprap ng pinapagawa ng flood control project ng DPWH.
“Kagagawa lang po niyan talaga. Kampante po kami. Sabi nga namin, ano ba nangyari diyan? Bakit nga ganiyan ang ginawa nila? Halos wala pa po isang taon,” sabi ni Jenifer Abejo residente ng Barangay San Jose. —VAL GMA Integrated News
