Ilang kalsada sa Metro Manila ang nagkabutas-butas at nagkalubak-lubak makalipas ang mahigit isang linggong pag-ulan at baha.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikitang nagkalubak-lubak ang ilang parte ng Quezon Boulevard, na tila patsi-patsi ang hitsura sa dami ng butas, at naipon din ang mga tubig.
Kaparehong eksena ang makikita sa isang kalsada sa Quiapo.
Nagkaroon din ng mga lubak sa kalsada sa may EDSA-Magallanes southbound, dahilan para mahirapan ang maraming motorista at agad nagme-menor kapag nakikita ang mga butas.
“Medyo dumulas ang kalsada kasi laging basa. Laging, hindi natin maasahan. Kailangan talaga natin doble ingat. Lalo na sa EDSA. Maraming bako-bako na daan,” sabi ng rider na si Anghel Pilar.
Sa may Roxas Boulevard malapit sa UN Avenue, tinambakan ang mga lubak bandang 3 p.m., ngunit bumalik sa pagkasira ilang oras lamang ang lumipas.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na nagdodoble-kayod na sila sa pagre-repair ng mga nasirang kalsada.
Nagsasagawa rin ng repair ang mga taga-DPWH nitong Sabado sa bahagi ng Buendia flyover sa Roxas Boulevard.
Dagdag ni Bonoan, hinahabol nila na maayos lahat bago ang Lunes, na siyang araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
