Bangkay na at walang saplot nang natagpuan sa isang bakanteng lote sa Novaliches, Quezon City ang walong-taong-gulang na babae na unang naiulat na nawawala. Ang suspek, 13-anyos na kapitbahay ng biktima na nahuli-cam na huling kasama ng bata.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing iniulat ng mga magulang ng batang biktima na nawawala ang kanilang anak noong Sabado.
Nitong Linggo ng hapon, natagpuan ang walang saplot na bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Barangay Sta Lucia.
Nang suriin ng mga awtoridad ang CCTV camera sa lugar, nakita na tinawag ng suspek ang biktima at pinasunod sa kaniya hanggang sa makarating sila sa bakanteng lote kung saan nakita ang katawan nito.
Isang patalim din ang nakita sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
“Inaya siya na sundan siya na parang may ipapakita na parang iba pang mga bote. Tuloy-tuloy sila doon sa isang compound na may bakante doon na lote,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Geronimo Dimayuga Jr., Fairview Police Station Commander.
Dagdag pa ni Dimayuga, sinabi umano ng suspek na inaya niya sa dulo ng compound ang biktima.
“Tapos nag-usap sila, hindi pumayag yung bata na kung ano yung gagawin hanggang sa nasakal niya ito,” patuloy ng opisyal na sinabing may palatandaan din umano na nanlaban ang biktima.
Inimbitahan ang binatilyo sa barangay kasama ang tiyahin nito, at sinabi umano ng suspek na sinakal niya ang biktima.
“Pagkasakal niya nawalan ng malay doon na po ginawa siguro yung hindi dapat mangyari,” pahayag ni Ruel Marpa, chairman ng barangay.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima, habang ililipat ang suspek sa pangangalaga ng Youth Homes, at mahaharap sa reklamong ng murder.
Aalamin din ng mga awtoridad kung may iba pang kasama ang suspek nang gawin ang krimen.
Tumanggi na muna ang kaanak ng biktima at suspek na magbigay ng pahayag. – FRJ GMA Integrated News
