Nasawi ang rider, at malubhang nasugatan ang angkas niyang kapatid at isang kaibigan matapos na sumalpok sa poste ng road signage ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Caloocan. Ang barangay tanod na ama ng magkapatid na biktima, nabigla nang malaman na mga anak pala niya ang sangkot sa aksidente na kanilang nirespondehan.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang sakuna kaninang madaling araw dakong 1:00 am sa Camarin Road sa Caloocan.
Sa lakas ng pagkakabangga, halos mabali ang poste ng signage na nabangga ng motorsiklo, at tumilapon ang mga biktima na walang suot na helmet.
Dead on arrival sa ospital ang rider, habang malubhang nasugatan ang kaniyang mga angkas na kapatid, at isang kaibigan na dadalhin sana nila sa ospital.
Ayon sa tanod na si Alex Recundo, ama ng dalawang biktima, tinawagan siya ng isa niyang anak para ipaalam ang nangyari sa kaibigan na pinalo ng bote sa ulo sa hindi pa malamang dahilan.
“Yung anak ko tinawag niya ako sa duty sabi niya, ‘Pa, respondehan natin yung pamamalo sa amin.’ Sabi ko teka kukuha ako ng batuta. Umuwi kami sa bahay, itong bunso ko tulog ginising. Ngyon yung pinalo pala nakasunod. Dumating doon sa bahay sumakay sa likod ng motor niya dahil dadalhin sa Tala [hospital],” ayon kay Alex.
Kaya ikinagulat nito nang malaman niyang mga anak niya pala ang sangkot sa nirespondehan nilang aksidente.
Kuwento ng isang saksi, mabilis ang takbo ng motorsiklo ng mga biktima.
Sinabi naman ng isang taga-barangay, accident prone ang lugar kung saan naaksidente ang mga biktima kaya may mga nakalagay na signages para mabigyan ng paalala ang mga motorista.
Nanawagan naman ng tulong si Alex para sa gastusin sa nangyari sa kaniyang mga anak.—FRJ GMA Integrated News
