Malubhang nasugatan ang isang intelligence officer ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) matapos siyang pagbabaril ng riding in tandem sa Makati City.

Nitong Martes, sinabi ni HPG spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang, nangyari ang nahuli-cam na krimen noong Agosto 1 sa labas ng isang car wash shop sa Barangay San Isidro.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nakatayo nang lapitan ng dalawang lalaking nakasuot ng helmet at may dalang baril ang isa.

Tumakbo ang biktima sa kalsada pero hinabol siya ng mga salarin at doon na siya pinagbabaril at natumba sa gitna ng daan.

"Sa initial na impormasyon po natin, we recovered 14 cartridges at siyam na bala ang tumama po sa dito sa ating personnel. Isa po sa balikat, tiyan, at hita po," ayon kay Malang.

"Ngayon po, we are still praying na magtuloy-tuloy ang kaniyang kondisyon at sa panayam po natin sa kaniyang pamilya ngayong umaga ay nasa stable ang kaniyang kondisyon," dagdag pa ng opisyal.

Kinuha umano ng mga salarin ang kuwintas, cellphone at baril ng biktima na na isang pulis.

Matapos nito, tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen kung isa itong kaso ng pagnanakaw o may kinalaman sa trabaho ng biktima.

"Bago pa man mangyari, itong scenario na ito ay preparation po niya para kitain sana 'yung ating isang confidential agent para sa kanyang hinahawakang case operational plan," ayon kay Malang.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing may pagkakakilanlan na ang mga pulis tungkol sa dalawang salarin, at tinutunton na ang kinaroroonan ng mga ito. – mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News