Nabulilyaso ang tangkang pagnanakaw ng isang miyembro umano ng “Ipit Gang” sa cellphone ng isang babae matapos na mapansin ng biktima ang masamang balak ng suspek.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Mikyerkoles, mapanonood sa CCTV camera ng Barangay Aguho sa Pateros, na nag-aabang ng masasakyan ang babae nang lumapit sa kaniyang likod ang isang lalaki.

Napalingon ang babae at kinompronta ang lalaki matapos na tangkain umanong kunin ang kaniyang cellphone, na nahulog pa sa kalsada.

Hinila ng babae ang lalaki saka humingi ng tulong sa mga tao sa paligid, pero hindi umano siya pinansin.

Ayon sa barangay at pulisya, posibleng kasabwat ng lalaki ang mga tao sa paligid kaya hindi siya tinulungan. Mga miyembro umano ng Ipit Gang ang grupo na madalas mambiktima sa mga pasahero.

Kinagabihan, naharang sa checkpoint ang dalawa sa miyembro umano ng grupo matapos na magsumbong ang isa pang biktima.

Nahuli ang dalawa na tumangging magbigay ng pahayag.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News