Hindi lang “crowning glory,” ginagamit na rin ngayon ang buhok bilang pampatibay ng ngipin. Ang ilang researcher mula sa United Kingdom, kinukuha ang keratin mula rito para ihalo sa toothpaste.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing ito ang dine-develop ngayon ng mga researcher sa King's College London, kung saan hinahalo ang keratin na mula sa wool, balat at buhok.

Kapag ginamit at nag-interact ang keratin sa mineral sa laway, mabubuo ang protective layer sa ngipin.

Dagdag pa ng mga researcher, kagaya ito ng natural mineral sa ngipin na enamel. 

Kaya raw ng keratin coating na magpatibay ng ngipin, pigilan ang pagkabulok at bawasan ang tooth sensitivity. ––Jamil Santos/VBL GMA Integrated News