Nagtrabaho bilang service crew ang 19-year-old na itago natin sa pangalang Vince.
Pero dahil aniya sa pinagsama-samang pressure at sa dami ng trabaho na may maliit na sweldo, hindi na raw siya nagpapakitang gilas sa trabaho at hindi na raw siya namo-motivate para sa promotion.
Matapos ang sampung buwan, nag-resign siya sa pinagtatrabahuang restaurant.
Ayon sa human resources consultant na si Jeremiah Yalung Rafanan, isa sa mga senyales na nagka- “quiet quitting” na ang isang empleyado ay kapag wala na siyang motivation para magtrabaho.
“Ginagawa na niya yung unti-unti na pagbitiw. 'Yung hinihintay na lang niya na ma-fire siya, andami na niyang reason. Sa umpisa, ginagawa [pa] niya trabaho niya. Unti-unti ang pinaka epekto, unti-unti wala na yung productivity niya…minsan hindi na nga nagre-resign, eh minsan AWOL,” ani Rafanan.
Quiet cracking
Ang team manager naman na si JR (di niya tunay na pangalan), nakaranas naman daw ng tinatawag na "quiet cracking" dahil sa tambak na trabaho.
“Nilayo ko yung sarili ko sa mga tao. Kumbaga nagtrabaho ako nang sarili ko lang…kung ano 'yung alam kong trabaho na papantay sa sinasahod ko, 'yun lang din yung trabahong ginagawa ko,” sabi niya.
Ayon kay Rafanan, sa “quiet cracking,” ginagawa pa rin naman ng empleyado ang kaniyang trabaho, pero wala nang extra effort.
“Nandiyan siya, ginagawa niya, pero alam mo yung hollow, wala ka nang makukuha sa kaniya, parang ginagawa na lang niya kung ano ang pinapagawa sa kaniya, pero hindi siya totally na aalis [o] bibitiw; naka auto pilot.”
Ilan aniya ang mga dahilan kung bakit umaabot sa quiet quitting o quiet cracking ang isang empleyado: posibleng may problema sa pamilya at nadala sa trabaho; posibleng dahil sa kawalan ng promotion o structured career path; posibleng dahil sa conflict sa kapwa empleyado o sa superior, o ang mababang sweldo.
“With that, nawawalan siya ng fuel para mag-excel pa. Also it can affect kung ganito paulit-ulit ang ginagawa mo…” ani Rafanan.
Payo niya sa mga employers: gumawa ng kultura ng openness at empathy sa workplace.
“Regular checkings—yung hindi lang, 'kumusta ka,' yung mas nararamdaman ng tao na belong siya, o 'kumusta yung pamilya mo?' Mararamdaman niya na hindi siya [dapat ma]takot mag-share,” ani Rafanan.
Gumawa rin ng mga wellness programs katuwang ang mga mental health professionals para maturuan ang mga empleyado sa pangangalaga sa kanilang mental health.
Kapag napangalagaan aniya ang mental health ng mga empleyado, may balik na benepisyo naman daw ito sa kumpanya.
“Less yung drama sa work place, mas productive yung company, naa-achieve yung goal,” sabi ni Rafanan.
Mental health
Payo naman ng psychiatrist na si Dr. Joan Mae Perez-Rifareal, kung nagka-quiet quitting o cracking na sa trabaho, una, hanapin ang ugat ng dissatisfaction sa trabaho.
Pangalawa, i-communicate ito sa boss, supervisor o, katrabaho para masolusyunan.
Mainam din aniyang mag-reflect kung ano ang dahilan kung bakit pinili ang trabahong ito.
“Para bumalik yung kaniyang reason for being there, para mare-orient ulit, kasi sometimes due to the stress ng work nawawala tayo sa focus, nawawala sa atin yung reason why we wanted to be in that work from the start,” sabi niya.
Pero kung nakakaranas na ng panic attack, distress, depression at anxiety, huwag mag atubiling humingi ng tulong.
“Find a safe person na makakausap, kung hindi man family member na safe space nila, friends or mental health professional na makakatulong, lalo na kung ang kanilang work performance, productivity ay bumabagsak na o naaapektuhan na…” sabi ni Dr. Rifareal.
Sa mga work places naman aniya mainam na bigyan ng safe space ang mga empleyado.
“Maganda pa- usapan in a safe space, no judgment, bawal judgmental at sana we foster yung compassion, kindness sa isa’t isa kasi of course kaniya kaniya tayo ng pinagdaraanan,” ani Dr. Rifareal.
Gamitin ang vacation leave para magpahinga, mag-relax, at gumawa ng mga aktibidad na makakapagpasaya sa iyo pagkatapos ng work hours at day-off para ma-recharge ang isip at katawan. — BM GMA Integrated News
