Isang Northern Luzon Giant Cloud Rat ang nailigtas matapos itong aksidenteng masugatan sa Lasam, Cagayan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing inilahad ng isang wildlife rescue volunteer na isang magsasaka ang naghabilin sa kanila sa hayop, na aksidente niyang nasugatan habang naglilinis siya ng kaniyang palayan.

Pinakawalan din ang Northern Luzon giant cloud rat sa gubat matapos magamot.

Ang Northern Luzon giant cloud rat ay isang uri ng rodent o kabilang sa pamilya ng mga daga.

Samantala sa Pagudpud, Ilocos Norte, isa namang Luzon Hornbill ang nasagip.

Sinabi ng Pagudpud Municipal Environment and Natural Resources Office na may sugat sa pakpak ang ibon, hanggang sa isang residente ang nakakitang nahihirapan itong lumipad.

Patuloy pang ginagamot ang ibon.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News