Patay ang isang babaeng rider matapos siyang magulungan ng jeepney sa Caloocan.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend, nangyari ang insidente sa MacArthur Highway Linggo ng umaga.
Makikita sa CCTV ang umaarangkada na jeepney at ang ilang motorsiklo sa katabing lane.
Bigla na lang na sumemplang ang isang motorsiklo at nahulog ang driver sa may jeepney, na tilang umangat.
Sa video ng isa sa mga saksi, makikitang pumailalim ang rider sa jeepney at naipit ng gulong.
"Kakalabas lang daw ng jeep eh, tapos yung driver ata na babae yung may ano kasi dumulas tapos pumasok siya sa ilalim," ayon kay Shirley Javier, isang saksi. "Buti na lang yung jeep driver, meron siyang jack, mabilis niyang napataas yung [gulong], kasi nga yung ulo [ng motorcycle rider] doon mismo sa gulong tumabingi."
Ayon sa MMDA enforcer na si Reginald Jay Timan," Nakita ko na lang nakatumba na yung NMAX na dina-drive ng babae. Tapos napailalim na siya sa jeep. Sabi po ng driver [ng jeepney] hindi naman daw niya nasagi. Bali nag lost control po."
Inialis ang biktima sa ilalim ng jeepney at dinala sa pagamutan, pero tuluyan na siyang nagulungan sa ulo at idineklara siyang dead on arrival.
Ayon sa Caloocan Police, galing sa road trip ang biktima at pauwi na sana sa Marilao, Bulacan.
"Ayon sa kamag-anag ng biktima, galing [siya] sa malayong biyahe, kaya dumating sa puntong nakatulog o napagod ito at biglang tumumba sa tagiliran ng jeep na akma namang yung jeep katabi niya at naipit ng kaliwang bahagi ng gulong ng jeep,"ani Police Staff Sergeant Rhou Anthony Gudgad, traffic investigator ng Caloocan Police.
Tumangging magbigay ng pahayag ang jeepney driver, na nasa kustodiya ng Caloocan Police. — BM GMA Integrated News
