Tinanggal sa puwesto at kinasuhan ang 13 pulis matapos mamatay ang isang lalaki na kanilang inaresto dahil sa paninira ng mga gamit sa isang convenience store sa Pasay. Ang biktima, namatay umano dahil sa “sakal.”
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing dinakip ang nasawing si John Paul Magat, dahil sa panggugulo at panininira ng mga gamit sa isang convenience store.
Tumawag ng pulis ang kawani ng tindahan na kaagad namang rumesponde.
“Itong victim natin napupumiglas, so itong mga pulis natin ni-restrain nila para maposasan, then madala sa substation,” ayon kay Pasay Police chief Police Colonel Joselio de Sesto.
Ilang oras matapos dalhin sa police station, dumaing umano si John Paul na nahihirapang huminga at nagpatulong na madala siya sa ospital.
“Mga 9:23 ng gabi, humingi ng tulong ang biktima na baka puwede dalhin sa ospital kasi nahirapan siya huminga. So, dinala siya sa ospital at doon na siya nalugutan ng buhay,” ayon kay de Sesto.
Lumalabas na nasawi ang biktima dahil sa asphyxia due to manual strangulation, o pagkawala ng hangin sa katawan dahil sa pagsakal.
Ayon kay Cristel Magat, kapatid ng biktima, tumawag pa raw sa kanila si John Paul, at humihingi ng tulong dahil pinaparusahan umano siya.
Nagsampa ng reklamo ang pamilya Magat laban sa mga pulis na umaresto sa biktima.
Kinabibilangan ito ng anim na pulis mula sa Pasay Police Substation 5, anim na mula sa South Police District’s mobile force battalion; at isa sa regional force battalion.
Bahagi ng augmentation force ng Pasay ang pitong pulis.
“Through CCTVs, nakita talaga namin yung tunay na pangyayari. Actually, kasi dinapaan nila ‘yun. nagpupumiglas, siyempre poposasan [kaya] dinapaan nila. Most likely ‘yun yung dahilan bakit siya na suffocate. Hindi naman ibig sabihin na sinakal talaga, puwede madaganan sa leeg,” paliwanag ni de Sesto.
Nangako si de Sesto na ilalabas nila ang totoong nangyari sa insidente.
Nahaharap ang mga inireklamong pulis sa reklamong maltreatment of prisoners at reckless imprudence resulting in homicide.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan sila ng panig.
Inihayag ni Crisel na masaya sila na nabigyan na ng hustisya ang sinapit ng kaniyang kapatid, na pinaniniwalaan nilang biktima ng foul play. — FRJ GMA Integrated News
