Hindi bababa sa 10 ang nasaktan at nasugatan matapos araruhin ng isang pampasaherong bus ang ilang sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City bago bumangga sa mga bakod ng ginagawang MRT-7 Doña Carmen Station. Ang bus, nawalan daw ng preno.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente kaninang umaga. Unang tinamaan ng bus ang isang kotse na nasundan ng pagkakasalpok sa isang pampublikong jeep, isang public utility jeep, at ilang nakaparadang motorsiklo.
"Several unidentified passengers sustained physical injuries and were rushed to Rosario Maclang Bautista General Hospital for treatment," ayon sa QCPD.
"All vehicles involved suffered varying degrees of damage, with the total cost still under assessment," dagdag pa ng pulisya.
Nasira din ang tent sa Bureau of Animal Industry's inspection site at perimeter fence ng MRT-7 Doña Carmen Station construction site.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras,” sinabi ng konduktor ng bus na nakapagbaba pa sila ng pasahero bago nawalan ng preno ang kanilang sasakyan.
Mahaharap ang driver ng bus sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple damage to property at multiple physical injuries. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
