Sugatan ang isang negosyante matapos siyang barilin ng magkapatid na holdaper na pumasok sa kaniyang tindahan sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, ipinakita ang CCTV footage sa loob ng tindahan na kuha noong October 8 sa Barangay Katipunan sa nasabing lungsod.
Sa video, madidinig na pagbabanta ng mga suspek hanggang sa barilin na nito ang biktima sa hita at kinuha ang kaniyang mga alahas, at saka tumakas.
Ayon kay Police major Harry Basilla, Deputy station commander ng Masambong police, binaril ng mga suspek ang biktima dahil pumalag ito na ibigay ang suot na mga gintong alahas na nagkakahalaga ng P60,000 na natangay ng mga salarin.
Sa follow-up operation, natunton ng mga pulis sa isang apartment unit sa Montalban, Rizal ang mga suspek. Pero bigo silang madakip ang magkapatid na suspek dahil sa pagharang umano ng isang babae na kinakasama ng isa sa mga suspek.
Nakita sa apartment unit ang dalawang improvised na baril at ilang explosive device.
Inaresto ang naturang babae na nahaharap sa patong-patong na kaso. Napag-alaman naman dati nang may kaso tungkol sa ilegal na droga ang isa sa mga suspek, habang 14 na kaso ng robbery at carnapping naman ang dating kaso ng isa pang suspek.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang magkapatid na suspek.—FRJ GMA Integrated News
