Nahuli na ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang babaeng masahista na nakitang nakagapos sa kuwarto ng isang hotel noong Oktubre 23 sa Sta. Mesa, Maynila. Pagnanakaw umano ang pakay ng mga salarin, ayon sa mga awtoridad.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing tuluyang nadakip sa Naic, Cavite ang 32-anyos na lalaking suspek nitong Oktubre 30, samantalang sa Pasay City naman inaresto ang 32-anyos na suspek na babae.

Na-inquest ang mga suspek at nasampahan na ng reklamong murder.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, suffocation ang ikinamatay ng biktima na si alyas "Len."

Napag-alamang may kagayang kaso na rin noon ang babae at posibleng modus na ito ng mga suspek.

“Meron nakita na kaso niya na robbery with frustrated homicide. Ganu’n na ganu’n din ang ginawa nila. Dito nga ‘yan sa isang hotel naman sa Pasay,” sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng MPD.

Itinanggi ng mga suspek ang pagnanakaw at pagpaslang kay alyas "Len."

Ayon sa suspek na lalaki, dati silang magkarelasyon ng suspek na babae. Pinangangambahan umano sila ang kanilang seguridad.

“No po, no po. Wala po talaga akong alam sa nangyari. ‘Yun lang po 'yung totoo. Wala po talaga akong alam sa ginawa ng tao na ‘yan,” sabi ng suspek na babae.

“Basta gusto ko lang po makasigurado sa kaligtasan naming dalawa. Nagsisisi talaga ako kasi talagang nahihirapan na po kami talaga dito,” sabi naman ng suspek na lalaki.

Matatandaang wala nang buhay at nakagapos pa ang mga kamay nang datnan ng mga awtoridad ang 35-anyos na massage therapist na si alyas “Len” sa loob ng kuwarto ng isang hotel umaga noong Oktubre 23.

Bago nito, isang babae at lalaki ang nakita umanong sabay na dumating sa hotel hapon ng Oktubre 22.

Nag-book umano ang mga suspek sa biktima, na umalis sa kaniyang tinutuluyan sa Taguig City bandang 5 a.m. ng Oktubre 23 at dumating sa hotel bandang 5:30 a.m.

“Ang ginawa nila dito sa biktima natin, tinali nila gamit 'yung parang kurtina ng hotel at may ginamit pa silang isang pantali rin, parang arm bandage ng isa sa mga suspek. At ‘yun nga, ang naging dahilan doon, sinakal at hanggang mamatay itong ating biktima," sabi ni Ines.

Makaraan ang mahigit isang oras, makikita na ang suspek na babae na nagmamadaling maglakad sa bahagi ng Old Santa Mesa, at nagpaikot-ikot pa bago tuluyang sumakay ng jeep.

Tinangka pa siyang habulin ng roomboy ngunit hindi nito naabutan ang babae. Hindi naman nakunan ang suspek na lalaki na sa kabilang direksiyon dumaan.

Samantala, una nang sinabi ng barangay na may kakulangan talaga sa seguridad ang hotel dahil walang guwardiya na nagbabantay dito.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng hotel. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News