Nakumpirmang nagpositibo sa rabies ang isang tupa sa General Santos City.

Batay sa video na nakalap ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang tupa na nakatali at kilos agresibo.

Kasama ito sa ilang tupa na pinaniniwalaang nahawa sa isang tupang nagpositibo sa rabies noong Nobyembre 26.

Ito umano ang unang kaso ng rabies sa tupa sa lugar, ayon sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory 12. Matapos nito, ilang tupa pa ang nasawi sa lugar.


Sinabi ng city veterinarian na posibleng nakagat ng isang ligaw na aso ang tupang nagpositibo sa rabies.

Dahil dito, kumuha ng blood samples ang kanilang opisina sa mga tupa sa lugar upang suriin.

Nagsagawa na rin ng rabies vaccination sa lugar. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News