Nagbitiw sa kaniyang pwesto si Department of Justice (DOJ) Undersecretary Jose “Jojo” Cadiz Jr. matapos siyang madawit ang kanyang pangalan sa mga umano’y maanomalyang flood control projects, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.

“Sa ating pagkakaalam siya po ay nag-submit na ng kaniyang resignation,” sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang briefing.

Hinihingian pa ng GMA News Online ng komento ang DOJ at ilalathala ang tugon nito kapag nakapagbigay na sila.

Idinawit ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co si Cadiz bilang nakatanggap umano ng mga kickback para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inihayag ni Co na nakatanggap siya ng mga utos mula sa dating House Speaker na si Martin Romualdez na magbigay ng pera kay Cadiz, na may access sa drop-off point malapit sa tirahan ng Pangulo.

Nang tanungin kung makukumpirma ng Malacañang kung si Cadiz nga ba ay naging isang associate o aide ng Presidente sa isang punto, sinabi ni Castro na hindi niya ito makukumpirma.

Nauna nang sinabi ni DOJ acting Secretary Fredderick Vida na nananatiling hindi apektado ng mga paratang ang imbestigasyon ng DOJ sa katiwalian.

Itinanggi naman nina Marcos at Romualdez ang mga alegasyon laban sa kanila.

Samantala, sinabi ng tanggapan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na iimbestigahan nito ang umano'y kaugnayan ni Cadiz sa gulo sa flood control.

“Definitely. That is something that the Ombudsman has to look into,” sabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Biyernes.

“Given all the allegations, however, not yet sworn into, but there are other reports as well of his involvement. And so definitely there will be a fact-finding body that will be dedicated to that.. We will have to sift through the evidence. Wherever the evidence takes us, that's where we will go,” dagdag niya. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News