Ginalugad ng pulisya ang dalawang subdivision sa North Fairview, Quezon City, matapos silang makatanggap ng reklamong may nakapasok na grupo ng mga land grabber umano na nang-aangkin ng mga abandonadong bahay at nananakot ng mga residente.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing pinasok ng mga tauhan ng Quezon City Police District o QCPD ang isa sa mga subdivision nitong Biyernes.

“Dito medyo nahihirapan sila, na iba-ibang mukha na rin 'yung nakakapasok sa kanila. 'Yung safety nila parang nako-compromise,” sabi ni Police Colonel Randy Silvio.

Dahil dito, inikot ng mahigit 150 pulis ang bawat kanto at sulok ng dalawang magkarugtong na subdivision.

Sinita rin ang ilang residente dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo na walang dalang lisensiya.

Sinita rin ng pulisya ang isang lalaking nakaupo sa bangketa at may dalang dalawang helmet. Kaniyang depensa, nagpapahinga siya at malapit lang ang kanilang bahay.

Sinita rin ang ilang kabataan dahil naglalaro pa sa labasan kahit hatinggabi na.

Sinabi ng QCPD na walang nadakip sa operasyon ngunit iniimbestigahan pa rin nila ang reklamo ng mga residente.

Dagdag nila, posibleng may protector umano ang grupo na nananakot sa mga residente. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News