Nahuli-cam ang pagbundol ng motorsiklo sa isang lalaki, at saka pinagtulungan siyang gulpihin ng isang grupo ng kalalakihan sa Malabon.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado sa Barangay Muzon.

Sa video footage, makikita na hinabol ng mga suspek ang biktima. Pero ilang saglit na, nagtakbuhan pabalik ang mga suspek at sila naman ang hinabol ng biktima na armado ng baseball bat.

Ngunit binundol siya ng motorsiklo na nakasunod sa kaniya na dahilan para tumilapon ang biktima.

Dito na nakatiyempo ang mga suspek para pagtulungan siya. Ayon sa pulisya, pinalo rin ng baseball bat sa ulo ang biktima.

Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay noong Biyernes.

Isa sa mga suspek ang naaresto na at sinusubukan pang makuhanan siya ng pahayag. Habang patuloy na tinutugis ang iba pang suspek na mahaharap sa reklamong homicide. – FRJ GMA Integrated News