Patay matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang salarin ang isang rider sa Taguig City. Ang dalawa niyang kaibigan, inaresto matapos na makitang dala nila ang ilang gamit ng biktima.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 9:00 pm nitong Linggo sa Barangay Bambang.
Sa video footage, makikita na binaril pa nang malapitan ng isang salarin ang biktima kahit nakatumba na. Tinangka pa nilang kunin ang motorsiklo ng biktima bago tumakas.
Dumating naman sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang dalawang kaibigan ng biktima. Isinugod sa ospital ang rider pero idineklarang dead on arrival.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, nalaman na nawawala ang bag at baril ng rider, na kinalaunan ay napag-alaman na kinuha ng dalawa nitong kaibigan kaya inaresto sila.
Pero paliwanag ng mga kaibigan, isu-surrender nila sa barangay ang bag at baril nang maabutan sila ng mga awtoridad.
Ang isang kaibigan, ipinaliwanag na nangamba siya na baka may ibang kumuha ng baril ng biktima kaya kinuha na niya.
Hindi naman binanggit sa ulat kung bakit may baril ang biktimang rider.
Ayon sa pulisya, posibleng maharap sa reklamong obstruction of justice ang dalawang kaibigan. Patuloy namang tinutugis ang mga salarin at inaalam ang motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
