Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension ang mga drivers’ license ng tatlong motorista na umano’y nagkarera sakay ng kani-kanilang sports utility vehicles (SUVs) na humantong sa aksidente sa Quezon City.
Sa isang pahayag nitong Lunes, inihayag ng LTO na pinadalhan din ng mga show cause order (SCO) ang mga driver at rehistradong may-ari ng tatlong sasakyan na isangToyota Fortuner, isang Ford Raptor, at isang Toyota Hilux, para pagpaliwanagin sa nangyari.
Ayon sa LTO, nangyari ang insidente nitong Lunes sa tapat ng isang ospital sa E. Rodriguez Sr. Avenue sa Barangay Kalusugan, Quezon City.
Batay sa dashcam footage at imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 4, unang nakasagi ng isang motorsiklo ang Toyota Fortuner matapos itong mag-counterflow sa nasabing kalsada.
Nawalan umano ng balanse ang rider ng motorsiklo kaya natumba ito sa kalsada, at nagtamo ng mga pinsala sa katawan.
Ilang saglip pa, nakita umano sa video footage ang mabilis na pagdating ng Ford Raptor na tila hinahabol ang Fortuner. Pero dahil sa nakatumbang motorsiklo at rider sa kalsada, agad na nagpreno ang Raptor at bumangga naman sa likod niya ang humahabol na Toyota Hilux.
Dahil sa insidente, iniutos umano ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang pagsuspinde sa mga lisensya ng mga drayber ng tatlong sasakyan.
“Kailangan ding isuko nila sa LTO ang kanilang mga lisensya. Posible ding bawiin o i-revoke ng LTO ang kanilang mga lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle at Reckless Driving. Bukod dito, mananagot din ang drayber ng Toyota Fortuner sa kasong Driving Against Traffic dahil sa ginawa nitong pag-counterflow sa kalsada,” ayon sa pahayag.
Batay sa SCO, dapat humarap sa pagdinig ang mga rehistradong may-ari at ang mga drayber ng tatlong sasakyan sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City.
Inilagay din sa “alarma” ng LTO ang tatlong sasakyan hanggang sa matapos ang imbestigasyon sa insidente.—FRJ GMA Integrated News

