Sugatan ang motorcycle taxi rider at kaniyang pasahero matapos silang sumalpok sa gilid ng isang truck sa isang intersection sa Barangay Salvacion, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na hindi pa man tuluyang nakatatawid sa intersection ang truck, bigla nang may bumangga sa gilid nito na motorsiklo.

Tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo.

“Habang pagtawid ng truck sa intersection na iyon, sadya namang bumangga ang harapan ng motor sa right portion ng truck. Base sa iba pang nakuha namin na CCTV footages, lumalabas na medyo may katulinan ‘yung motorcycle taxi natin,” sabi ni Police Lieutenant Jason Santoceldes, commander ng QCPD Traffic Sector 1.

Dinala sa ospital ang motorcycle taxi rider na nagtamo ng sugat sa binti, habang may sugat din sa noon ang lalaking pasahero. Hindi na sila nakunan ng kanilang panig.

Sinabi ng truck driver na nanggaling siya ng Pasig at ihahatid sana ang mga kargang bakal sa Maynila nang mangyari ang aksidente.

“May biglang kumalampag sa tagiliran ng truck. So biglang huminto ako, tapos bumaba kami. Nakita na namin ‘yung motor saka ‘yung dalawang sakay niya. Mabagal lang ho, kasi intersection eh. ’Yung motor ang mabilis ang takbo,” sabi ng truck driver.

Walang traffic light sa naturang intersection.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng Quezon City LGU.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News